top of page

GTC GREEN SCORECARD SA SONA 2021

July 26, 2021


Taksil sa Kalikasan! Taksil sa Bayan!

GTC Green Scorecard sa SONA2021


Sa kanyang huling SONA ngayong Hulyo 26, 2021, galit ang mga kilusang pangkalikasan kay Pangulong Duterte sa kanyang kabiguang protektahan ang kalikasan at tiyakin ang ligtas at maayos na ekolohiya para sa mga Pilipino.


Nangako si Duterte na magiging isang maka-kalikasang pangulo ng bansa, pero bigo sya na pigilan ang mapanirang pagmimina, pagsasayos ng gamit ng lupa (land use) at pangalagaan ang mga kagubatan at ilog.


Sa mga nakaraang taon, lalong pumalya ang gobyernong Duterte sa kanyang pag-ganap na isulong ang Green Agenda. Bagsak ang grado ni Duterte dahil sa:


1) kabiguan ipatupad ang mga batas pangkalikasan;

2) mahinang pag-regulate sa mga industriya na sumisira sa kalikasan tulad ng pagmimina, ng mga coal power plants, mga basura at plastic at polusyon ng industriya;

3) pagkalugmok ng mga panukalang batas na Green Bills tungkol sa pagmimina, sa kagubatan, ang National Land Use Act at pangangalaga ng mga katutubong lupa; at

4) kakulangan sa paghahanda ng bansa sa mga epekto ng nagbabagong klima at ng pandemya.


Dagdag pa, nanatili ang Pilipinas bilang isa sa pinaka-delikadong bansa para sa mga environmental activists, dahil sa patuloy na karahasan, pagbabanta, red-tagging at hanggang sa Patayan laban sa mga naninindigan para sa kalikasan at Karapatan sa lupa, lalo na ang mga katutubo.


Kaya hindi lang palpak at bagsak ang grado na binibigay ng Green Thumb Coalition sa rehimeng Duterte, kundi dinedeklara namin na isang taksil sa kalikasan at taksil sa bayan si Duterte, lalo na nag mga opisyal ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR), sa pangunguna ni Sec. Roy Cimatu.


Gagawin ng GTC ang lahat at ng buong kakayanan nya, na hindi na mauulit o madadagdagan pa ang mga kasalanan laban sa kalikasan ni Duterte. Kaya sa darating na halalan sa Mayo 2022, pakikilusin ng GTC ang kanyang mga myembro at taga-suporta para piliin ang isang tunay na lider na pagangalagaan ang kalikasna at likas-yaman ng Pilipinas.





Ang GTC Green Scorecard


Sa GTC Green Scorecard po, sinusukat ang katuparan o walang katapuran sa siyam na tema tungkol sa kalikasan at likas-kayang kaunlaran (o sustainable development).


Eto po ay sa mga larangan ng:[1]


1. Biodiversity preservation and ecosystem integrity (Pangangalaga ng samu’t saring buhay at pagkabuo ng mga ecosystems)

2. Natural resource and land use management and governance (Pamamahala ng pag-gamit ng lupa at ng mga likas-yaman)

3. Sustainable agriculture and fisheries (Sustenableng agrikultura at pangisdaan)

4. Waste management (Pamamahala ng basura)

5. Upholding human rights and integrity of creation (Pagtataguyod ng karapatang-pantao at ng Sangnilikha)

6. Climate justice (Hustisyang Pangklima)

7. Mining and extractives (Pagmimina)

8. Energy transformation and democracy (Pagbabagong anyo ng enerhiya at demokrasya)

9. People-centered sustainable development (Makatao at likas-kayang kaunlaran)


Gumamit ang GTC ng eskalang 1-10, kung saan pinakamababa ang 1 at pinakamataas ang 10. Pasado kung may gradong “6” at pataas at bagsak kung ang grado ay “4” at pabaa. Kung “5” ay pasang-awa. Sa kabuuan, binabantayan ng GTC kung tumupad ba o hindi ang administrasyong Duterte sa kanyan obligasyon sa pangangalaga ng kalikasan na nakasaad sa Seksyon 16 ng ating Saligang Batas:


SEK. 16. Dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.[2]


Dahil huling SONA na ito ni Duterte, tiningnan ng GTC ang pag-ganap ng administrasyon at sinukat ang limang (5) taon na pamamahala ng rehimeng ito.


1. Biodiversity preservation and ecosystem integrity – BAGSAK sa gradong “2”


Bilang pangunahing programa ng reforestation ng gobyerno, ang National Greening Program (NGP) ay sinasabing nagtanim na ng kabuuang 1.8 bilyong mga puno sa 2.14 milyong hektarya ng lupa mula 2011-2019. Gayunpaman, magkahalo ang mga ebidensya patungkol sa tagumpay nitong programa. Ika nga eh, marami yatang dapat linawin. Dagdag pa rito, ang mga panukalang batas tungkol sa likas-kayang pamamahala ng kagubatan (sustainable forest management) ay nanatiling nakabinbin sa Kongreso ng higit dalawampung taon na!


Ayon sa HARIBON Foudnation, “kailangang matiyak ang proteksyon at rehabilitasyon ng mga “carbon sink” ng ating bansa. Ang pangangalaga sa ating mga kagubatan at bahura (mangroves) at ang pagsusulong ng mga pang-matagalang solusyon sa polusyon sa plastik ay maaaring magbigay daan patungo sa isang kinabukasan na mababang emisyon ng karbon ng Pilipinas.”


Dapat ding magbago ang ating ugnayan sa “wildlife” kung nais nating maiwasan ang mga pandemiya sa hinaharap. Sabi ng World Wide Fund for Nature-Philippines o WWF-Philippines, ang Pilipinas ay isang biodiversity hotspot, ngunit ang ating bansa ay nawawalan ng hanggang PhP 50 bilyon piso bawat taon ,sa iligal na kalakalan ng wildlife. Ang mas mahigpit na parusa sa iligal na pangangalakal ng wildlife at ang pagtuturo sa mga komunidad tungkol sa mga panganib ng pagkonsumo ng wildlife ay maaaring makatulong na mapangalagaan ang mga endangered species at sa ating sariling kalusugan.


BAGSAK ang grado sa pangangalaga ng samu’t-saring buhay at ng mga ecosystems!


2. Natural resource and land use management and governance – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Sa mga nakaraang SONA nya noong 2016, 2017, 2018 at 2019, laging tinutukoy ni Pangulong Duterte ang National Land Use Act (NLUA) bilang “urgent bill” na kailangang agarang ipasa ng Kongreso. Pero ayon sa grupong CLUP Now!, puro paasa lang pala ito. Hanggang ngayon, na malapit nang matapos ang termino ng pangulo ay hindi na naipasa ang NLUA sa Kamara at Senado.


Hindi pala kayang utusan ni Pangulong Duterte ang mga dambuhalang land developer na mambabatas sa Kongreso na ipasa na ang NLUA. Maililinaw sana ng batas na ito ang gamit sa lupa para sa proteksyon (tulad ng agrikultura, kagubatan, pangisdaan, samu’t-saring buhay, lupaing ninuno, atbp.), produksyon, pabahay at imprastruktura.


Tila binalewala na din ang panukala ng National Economic Development Authority (NEDA) noong Enero 2020 na maglabas na lamang ng Executive Order para sa NLUA upang magkaroon ng isang pambansang balangkas na susundin. Para sana magabayan ang mga lokal na pamahalaan sa paggawa ng mga Comprehensive Land Use Plans (CLUPs) na may pagpapahalaga sa natitirang likas-yaman para sa mga susunod na henerasyon. Hindi na umusad ang pagaayos ng pagpaplano ng naguumpugang paggamit sa likas yaman ng bansa.


Dagdag naman ng grupong KAISAHAN, tila bulang naglaho ang pag-asa ng mga environmental groups na maipasa ang napakahalagang batas na ito sa ilalim ng bulaang administrasyon ni Pangulong Duterte.


BAGSAK ang grado ng gobyerno para sa Pamamahala ng pag-gamit ng lupa at ng mga likas-yaman!


3. Sustainable agriculture and fisheries – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Ayon sa mga ulat na nakalap ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang MAgsasaka o PAKISAMA, ang pagtaas raw ng presyo ng mga produktong agrikutural lalo na sa gulay at karneng baboy ay dahil sa inflation noong Disyembre 2020, epidemya ng African Swine Fever (ASF), at sunod-sunod na mga kalamidad na dinanas ng ating mga kababayan sa kanayunan.


Masyado na daw huli ang pagdeklara ng state of calamity dahil sa sunod-sunod na kaso ng ASF na walang kalinawan ang solusyon. Dapat ay na-prayoridad sana ng pamahalaan ang lokal na produksyon at magsasaka kesa mga imported na produkto na madalas ay pumapatay pa sa lokal na industriya katulad ng pagkalugmok ngayon ng mga magbababoy o hog raisers. Mas lalo naman nalugmok sa kahirapan ang mga magsasaka dahil sa matinding pagkalugi at pagkabaon sa utang na dulot ng Rice Tarrification Law at patuloy na importasyon ng pagkain na dapat sanang kinontrol at pinangasiwaan nang mabuti. Panghuli, malaking banta sa kabuhayan at kaligtasan ng mga mangingisda at mga karatig baybaying komunidad ang kawalan ng malinaw na posisyon at pamahalaan laban sa panghihimasok at pananamantala ng mga dayuhan sa exclusive economic zone sa West Philippine Sea.


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa sustenableng agrikultura at pangisdaan!


4. Waste management – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Hanggang ngayon ay walang hakbang ang pangulo upang pagalawin ang DENR sa pag-gawa ng NEAP (non-environmentally accepted products) list na matagal nang pinag-uutos ng RA9003 o Solid Waste Management Act. Kaya maraming kompanya ay patuloy sa paggawa at paggamit ng mga panapong packaging materials na napupunta lamang sa ating mga tambakan, estero at karagatan.


Masahol pa dito ay tinutulak ng pamahalaang ito ang pag suway sa Clean Air Act at Ecological Solid Waste Management Act sa pamamagitan ng pag-gamit ng waste-to-energy (WTE) incineration. Ito ay inilahad mismo ng pangulo sa kanyang inaugural speech na itinuloy naman ng DENR sa pamamagitan ng Administrative Order (DAO 2019-21) na naglalatag ng guidelines sa pagtatayo ng waste-to-energy facilities (WTE); at ng iba't ibang panukalang batas sa 18th Congress.


Sabi ng Ecowaste Coalition, ginagamit na dahilan ngayong katuwiran ang pandemya sa pag gamit ng WTEs habang ang mga eksperto naman ay madiin itong tinututulan.


Dagdag pa ng Ecowaste Coalition, hindi katanggap-tanggap na amyendahan ang Clean Air Act upang pahintulutang muli ang nakakalasong pagsusunog ng basura sapagkat malinaw na pag labag ito sa ating saligang batas na nagtataguyod ng ating karapatan sa malinis at malusog na kapaligiran.


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa pamamahala ng basura!


5. Upholding human rights and integrity of creation – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Lumala ang kalagayan para sa mga nagtatanggol sa karapatan sa isang malinis at malusog na kalikasan; bunga ito ng patuloy na sitwasyon sa ating bansa bilang isa sa pinaka-mapanganib para sa mga environmentalists at land rights activist.[3] Ayon ito sa grupong In Defense of Human Rights and Dignity o “iDefend”.


Ang malawakang pagpatay sa ilalim ng gera kontra droga at atake sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ay patuloy na nagaganap nang walang pananagutan at kawalan ng hustisya. Tumindi rin daw ang patuloy na red-tagging sa mga lider ng komunidad na nangunguna sa pagtatanggol sa kalikasan na dumudulo sa malalang epekto sa karapatan ng mamamayang magprotesta.[4]


Iginigiit ng iDefend na ang Anti-Terrorism Act ang siyang ultimong nagtakda ng ganap na pagyurak sa ating mga demokratikong karapatan at kalayaan. Inilantad ng pandemyang ito ang ating mga bulnerabilidad dahil rin sa patuloy na pagkasira ng ating kalikasan.


Ipinaalala naman ng Global Catholic Climate Movement -Pilipinas (GCCM) na nariyan din ang mariing panawagan ng Simbahang Katoliko sa pangangalaga sa kalikasan at pagpapahalaga sa mga dukha. Sa talata 49 ng kanyang sulat ensiklikal noong Mayo 2015 na pinamagatang Laudato Si’ iniaatas ni Papa Francisco ang “pagdinig sa daing ng Daigdig at daing ng mga dukha”. Malinaw nyang pinakikita sa atin sa talata 2 ng kanyang ensiklikal na “Dumaraing sa atin ngayon ang Inang Daigdig dahil sa mga pasakit na dulot natin sa kanya dala ng ating mga iresponsableng paggamit at pag-aabuso sa mga yamang inihandog sa kanya ng Diyos.


Ang mariing panawagan ng Santo Papa ay tinutrompeta rin ng Simbahang Katoliko sa ating bansa. Naglabas rin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng sulat pastoral noong Hulyo 2019 na pinamagatang “An urgent call for ecological conversion, hope in the face of climate emergency”. Hinimok nito ang lagat na sumailalim sa makakalikasang pagpapanibagong-loob at maging daluyan ng pag-asa sa gitna ng dinaranas nating kagipitan dala ng pagbabago ng klima at ng patuloy na pagkawasak ng kalikasan.


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa pagtataguyod ng karapatang pantao at pangangalaga sa Sangnilikha


6. Climate justice – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Noong December 2020, nagpasa ng resolusyon ang Kamara de Representates ng House Resolution 1377, na nagde-deklara ng climate emergency. Nanawagan ito ng pagtutulungan ng buong gobyerno sa pagtugon sa “climate crisis”. Pero ayon sa Philippine Movement of Climate Justice (PMCJ), naging mabagal, kulang at taliwas pa ang kilos ng gobyerno.


Ang tagal bago nagpatawag ng pulong ang Climate Change Commission at naantala ang pag-submit natin ng ating commitment para mabawasan ang pagbuga ng karbon sa hangin. Bukod dito, pinabilis pa ng DENR ang mga proyekto na nagbabanta sa ating kalikasan tulad ng pagmimina, ang Kaliwa Dam, pagsusunog ng basura para sa enerhiya at mga paliparan na sasagasa sa mga bakawan at baybayin natin.


Sa tantya ng PMCJ, walang makabuluhan na hakbang na nagawa ang CCC at DENR, para maabot natin ang mga target ng “adaptation” at “mitigation”, para sa tamang tugon ng Pilipinas sa nagbabagong klima.


Sa totoo lang, parang walang climate emergency!


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa pagtugon sa nagbabagong klima!


7. Mining and extractives – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Ayon naman sa Alyansa Tigil Mina (ATM), nag-taksil na sa kalikasan ang administrasyong Duterte sa kanyang pagbaligtad sa mga polisiya at panuntunan sa pagimina. Inilabas ng Malacanang ang Executive 130 o bagong polisiya sa pagmimina nitong Abril 13, 2021, at tinanggal na ang moratorium sa mga aplikasyon ng minahan at binaliktad na ang “ban” sa mga open-pit mining.


Bago nito, inanunsyo ng DENR na binawi na ng gobyerno ang mga suspension orders na ipinataw ni dating DENR Sec. Gina Lopez laban sa mga minahan na nilabag ang mga batas pang-kalikasan natin o di kaya ay bigong sumund sa kanilang sariling mga mining contracts.


Actually, nag-umpisa ang 2021 sa masamang balita na tuluy na ang operasyon ng unang offshore mining project sa Cagayan. Nabulag na nga ang administrasyon Duterte sa kinang ng ginto o kaya ay kita mula sa mga minahan. Maari nating asahan na dadami at bibilis ang mga operasyon ng mga minahan na kakalbo sa mga gubat at bubutasin ang mga bundok.


Nakalimutan na nga yata ng gobyerno ang isa sa pangunahing obligasyon nya – na protektahan at pangalagaan ang kalikasan para sa mga susunod na henereasyon. At nananatiling bulag ang mga taga-DENR sa ugnayan ng pagmimina -> deforestation -> nagbabagong klima -> pandemya.[5]

MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa usapin ng pagmimina!


8. Energy transformation and democracy – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1”


Nagbunga sa wakas ang ilang taong pagtutol ng maraming Pilipino sa coal nitong Oktubre 2020, kung kailan inanunsiyo ng Kagwaran sa Enerhiya (DOE) na ihihinto na nito ang pag-endorso sa mga bagong proyekto ng coal.[6]


Ganoon pa man, ayon sa sa Center for Energy, Ecology and Development o CEED, hindi kasing lawak ng inaasahan ang kabuuang epekto nito sa pagbabago ng sektor ng enerhiya dahil sa paninindigan ng DOE sa 'technology-neutral' na polisiya nito.


Sa totoo lang namin kasi, andyan pa rin ang coal sa power mix ng Pilipinas. Marami pa ring butas ang coal moratorium, kaya hindi lahat ng pinaplanong proyekto ng coal ay mababasura. Kahit ang Philippine Energy Plan at Nationally Determined Contribution natin ay parehong nagsasabing patuloy na magsusunog ang Pilipinas ng coal nang ilang dekada pa.


Habang hindi pa nga tapos ang laban sa coal, mabilis na ring pinalalawig ng Pilipinas ang pagtangkilik nito sa fossil gas na mapaminsala rin. At giit ng CEED, tinatali tayo sa deka-dekadang marumi at mahal na kuryente mula sa 'fossil fuels', humihirap ang pagbangon mula sa krisis na dala ng COVID-19 at lumiliit din ang posibilidad ng pagbabago at pag-unlad na makakalikasan pagkatapos nito.


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa pagbabagyong-anyo ng enerhiya at demokrasya ng enerhiya!


9. People-centered sustainable development – MALALANG PAGKABIGO sa gradong “1


Panghuli, binanggit ng GTC na nakalimutan yata ng gobyernong ito na ang kaunlaran ay para sa mga mamamayan. Pero pag tiningnan mo daw ang mga polisiyang umiiral, eh mukhang lumiliit ang mundo ng mga maka-kalikasang grupo o environmental activists. Ilan daw sa mga polisiyang ito ay ang EO 70 na nagtayo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)[7] na nangungua sa pagre-red tag at ang MO 32 na nagpapalakas ng pwersa at kapangyaraihan ng AFP at PNP na sugpuin at pigilan ang karahasan sa ilang lalawigan. [8]


Sa sitwasyong nangingibaw ang takot at pangamaba, mahihirapan nga naman na gampanan ng mga environmental rights defenders, ang kanilang tungkulin.


MALALANG PAGKABIGO na may gradong “1” ang gobyerno sa makatao at likas-kayang kaunlaran


Sa huli ay bigo, palpak at inutil ang gobyernong Duterte para isulong ang “Green Agenda”.

[1] https://www.facebook.com/GreenThumbCoalition/photos/pcb.2789784901336807/2789782201337077/?type=3&theater [2] https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/ang-konstitusyon-ng-republika-ng-pilipinas-1987/ [3] https://www.globalwitness.org/en/campaigns/environmental-activists/defending-philippines/ [4] https://www.rappler.com/nation/tumandok-killed-nabbed-police-panay-island [5] Image 1: Links of Mining-Climate Change and Pandemics [6] https://www.doe.gov.ph/sites/default/files/pdf/announcements/advisory-moratorium-endorsement-greenfield-coal-fired-power%20project.pdf [7] https://www.officialgazette.gov.ph/2018/12/04/executive-order-no-70-s-2018/ [8] https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2018/11nov/20181122-MO-32-RRD.pdf

Comentários


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page